STATEMENTS
PILIIN NINYO ANG BUHAY! (Dt. 30, 19)
Prot. 2022-017
Pahayag ng Kapulungan ng mga Punong Superyor sa Pilipinas (CMSP) Ukol sa Halalan
2022
Sa darating na ika-9 ng Mayo, muling isasagawa ng ating bansa ang isa sa mga haligi ng ating demokratiko at malayang lipunan: ang halalan, na siyang magbibigay daan sa maayos at mapayapang paglipat ng kapangyarihan mula sa kasalukuyang
administrasyon patungo sa bago.
Ito rin ang magsisilbing paghatol nating mga mamamayan sa uri ng pamamahala na natamo natin sa nakalipas na anim na taon. Bilang inyong mga kalakbay sa iba’t-ibang bahagi ng lipunan – sa mga paaralan, sa mga parokya, sa mga ospital, sa mga batayang pamayanan, at sa iba pang mga pook – nakita namin at nadinig ang daing ng dukha na patuloy na humihingi ng kalayaan mula sa gutom at kahirapan; ng katarungan sa harap ng mga pagpatay at iba pang mga krimen; ng climate justice sa harap ng lumalalang kalagayang pangkalikasan ng bansa; ng mas mainam na serbisyo publiko sa harap ng korapsyon at kawalan ng pakialam ng mga nanunungkulan; ng kapayapaan sa harap ng karahasan.
Kay Hesukristo, ang ating Gurong Banal – Daan, Katotohanan, at Buhay (cf. Jn. 14, 6) mayroon tayong halimbawa ng isang tunay na pastol at lider na nakiisa sa ating karukhaan at nagsalita laban sa kawalang-katarungan sa lipunan. Hinihikayat namin kayong “piliin ang buhay” (Dt. 30,19) at suriin nang mabuti ang mga kumakandidato ayon sa pananaw ng Mabuting Balita. Bilang inyong mga kalakbay, narito ang ilan sa mga paninindigang huwag nating kalimutan:
1. Piliin natin ang tunay na makakasama natin sa daan. Bilang mga Filipino, suriin natin kung sino sa mga kandidato ang tunay na naghahangad na magsilbi sa mamamayan at hindi lamang nagnanais pangalagaan ang interes ng iilan. Kilalanin din kung sino ang mga kaibigan ng kandidato. Sa ministro ni Kristo sa lupa, makikita nating pinahalagahan niya ang pakikilakbay sa mga nasa laylayan ng lipunan. Sino sa mga kumakandidato ang nais sumunod sa yapak ni Kristo sa pamamaraang ito? Tingnan ang kanilang mga track record. Makikita
natin kung sino ang tumugon sa tawag ng paglilingkod sa mga kababayan sa maliliit at malalaking pamamaraan, may posisyon man sa pamahalaan o wala.
Huwag piliin ang mga kumakandidatong mayroong mga vested interests: ang mga may rekord na sumusuporta sa mga oligarkiya at mga interes ng mga iilan; ang mga sumusupil sa karapatan ng mga mamamayan sa impormasyon, sa pakikilahok at konsultasyon, at sa bukas na pamamahala; at pati na rin ang mga kandidatong nakikita lamang tuwing panahon ng kampanya at halalan.
2. Piliin natin ang nagpapahalaga sa katotohanan. Sa harap ng malawakang disimpormasyon at fake news na lumalason sa kaisipan ng marami nating kababayan sa social media, piliin natin ang mga kandidatong iginagalang at nagbibigay sa atin ng kapangyarihang magpasya batay sa katotohanan.
Huwag piliin ang mga kandidatong bumubuyo sa atin at patuloy na gumagamit ng kasinungalingan upang makamit ang ating mga boto: kasama na dito ang mga napatunayang inabuso ang kapangyarihan at nagkamal ng nakaw na yaman; ang mga patuloy na gumagamit ng red-tagging laban sa mga lehitimong pumupuna sa pamahalaan; ang mga nagbabayad ng trolls para linlangin ang sambayanan; ang mga dumudungis sa dignidad natin (lalo ng mga dukha) sa pagbili ng boto at pandaraya sa halalan; at ang mga pilit na
binabago ang ating kasaysaysan sa pagtanggi sa malalaking kasalanan laban sa ating lipunan, kasama na ang mga naganap sa ilalim ng Diktaturyang Marcos.
3. Piliin natin ang magtatanggol sa buhay. Sa harap ng walang habas na pagpatay at ng pagbaba ng kalidad ng pamumuhay sa ating bansa, dapat nating piliin ang mga kandidatong isusulong ang kaganapan ng buhay. Ang unang implikasyon nito ay dapat ay tunay na buháy ang mga kandidatong ito: nabubuhay ng may integridad, at isinasabuhay ang kaniyang salita. Ito ang magiging pundasyon ng kanyang pagtatanggol sa lahat ng aspeto ng buhay: sa pagtiyak ng sapat at maayos na hanapbuhay para sa lahat; sa paggalang ng buhay mula sa sinapupunan hanggang sa likas na kamatayan, sa pangangalaga at pagtanggol ng mga karapatang-pantao, karapatan ng ating mga katutubong Filipino, at ng kalikasan; sa pagsulong ng usaping pangkapayaan; pati sa pagpapalawig ng lipunang demokratiko at makatarungan.
Huwag piliin ang mga kandidatong kontra-buhay: ang mga sumusuporta sa extra-judicial killings at sa iba pang mga paglabag sa mga karapatang pantao; ang mga nagtatanggol sa pagsupil ng malayang pamamahayag at sa mga karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno; ang mga kumikita, nagmamay-ari at tumutulong sa mga kumpanyang sumisira sa kalikasan; ang mga nananatiling walang kibo sa karahasan ng Tsina sa Dagat Kanlurang Pilipinas; at ang mga nagnanais ng all-out-war sa halip na all-out-peace sa pakikitungo sa mga rebeldeng grupo sa Mindanao at sa iba pang bahagi ng bansa.
Sa harap ng lahat ng nangyayari sa ating lipunan, mayroon tayong kolektibo at moral na obligasyong magtulong-tulong upang mapabuti ang kalagayan ng ating bansa, lalung- lalo na ng mga dukha. Nawa sa bisa ng Ebanghelyo ay makita natin ang ating Kristiyanong tungkulin sa halalang ito nang makalaya tayo mula sa mga makasariling kadahilanan – ito ma’y pansarili, pampamilya, pampartido, at pangrehiyon – at makapili tayo nang naayon sa tama.
Nagtitiwala kami sa kakayahan at katalinuhan ng mga Filipino sa darating na eleksyon. Nagtitiwala din kaming kaisa naming kayo sa pananalagin upang masakop ng kabutihan ang kasamaan (cf. Rom 12, 21). Asahan ninyong kaming mga nagtalaga ng sarili sa Diyos sa consecrated life ay patuloy sa pananalangin at pagkilos nang mapuspos ng Espiritu Santo ang ating bansa sa panahon ng pagpiling ito.
Ika-22 ng Pebrero 2022, Kapistahan ng Luklukan ni San Pedro.
Para sa CMSP:
Sr. Marilyn A. Java, RC Fr. Cielito R. Almazan, OFM
Mga Tagapangulo
Mo. Maria Nemia D. Daral, OP
Br. Roque T. Jusay, OH
Sr. Ella P. Erepol, MMB
Fr. Elias L. Ayuban Jr., CMF
Sr. Maria OfeliaD.Daet, OP
Fr. Ignacio B. Bercades Jr., sdP
Sr. Celerina A. Galang, OP
Fr. Leonardo M. Cabrera, MSC
Sr. Maria Gina D. Gorre, FSpIF
Fr. Orville R. Cajigal, RCJ
Sr. Rosemary M. Plaza, MSM
Sr. Corazon I. Sanchez, SIHM
Mga Miyembro ng Pinagsamang Kalupuna